Sa pagsisimula ng taong panuruan sa Makati Hope Christian School ay inilunsad ng Kagawaran ng Filipino ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika na may temang Wika ng Kasaysayan; Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan kontra Pandemya.
Magkakaroon ng iba’t ibang patimpalak sa bawat baitang sa pangunguna ng kanilang mga guro sa nasabing asignatura.
Kabilang dito ang Guhit Laban sa Pandemya para sa baitang 2, Kwentong Pandemya para sa baitang 3 at 4, PasKilatis: Saysay ng Larawan, Salaysay ng Pandemya para sa baitang 5 at E-Poster: Iwaksi ang Pandemya para sa baitang 6.
Para naman sa baitang 7, isasagawa ang BigkaSangga sa FB, baitang 8 ay Akronim mo sa Wikang Filipino, Kontra Pandemya at Sandata Ko, baitang 9 ay Hugot-Linya sa Pandemya, baitang 10 ay Hugutan ko ng Tula ang Pandemya, baitang 11 ay Pagsasatao sa Pandemya; SangkaTAOhan sa Panahon ng Pandemya at baitang 12 ay Timeline sa Panahon ng Pandemya.
Iba rin ang mga aktibidad sa Special Filipino Class: Level 1 - Pandemsenyo: Disenyong Tama sa Kontra-Pandemyang Tema, Level 2 - Pilipitang-Dila: Dilang Binigkis sa Gitna ng Krisis, Level 3 - BigTula: Bigkas ng Wika sa Panahon ng Pandemya at Level 4 - KantaOke: Awiting-Bayan sa Pandemyang Kasalukuyan.
Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang pagdiriwang ngayong taon ay nakasentro sa kahalagahan ng Filipino at mga katutubong wika bilang sandata sa pakikipaglaban sa pandemya at naglalayong himukin ang bayanihan ng sambayanan upang masugpo ang patuloy na paglaganap ng COVID-19.
“Ang patuloy na pag-aaral upang magkaroon ng bakuna laban sa COVID-19 ay isa lamang paraan upang maresolba ang pandemyang ito,” ani Gng. Lanie Lyn Legaspi, guro at coordinator sa Filipino. “Malaki ang kinalaman ng pagkakaroon ng kamalayan o awareness ng mga tao ukol sa virus na ito.”
Ipinaliwanag din niya ang kahulugan ng mga simbolo sa poster ng pagdiriwang. “Ang bangka na sumasagisag sa sambayanang Filipino at ang mga lulan nito ay kumakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao,” dagdag pa niya.
Aniya, ang pagsagwan na sumasagisag sa bayanihan sapagkat hindi ito gawaing mag-isa kundi sama-sama habang ang mga alon ay pagsubok o pandemya na ilang ulit kinaharap ng bansa sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan nito bago ang COVID-19.
“Ang sagwan ay simbolo ng mga katutubong wika na siyang pangunahing kasangkapan sa pagtutulungan upang makarating sa paroroonan nang mabilis, matiwasay at ligtas,” dagdag pa niya.
Comments